Isa na siguro ang Batangas sa pinakahinahangaan kong
probinsya na pinuntahan. Bukod sa kanilang di kalimot-limot na ganda ng
tanawin, payapang lugar at sariwang pagkain. Hindi ko malilimot ang kanilang
mga kaugalian na siya naman ay tunay na hanga-hanga.
Apat na araw lang kami nakipagpananayam sa mga
mangingisda ng Butong Taal Batangas ngunit ang pagdating namin ay hindi namin
inaasahan ganito ang kanilang salubong. Pagdating namin sa bahay ng tito ng
aking kaklase ay hinandugan agad nila kami ng mga pagkain na tunay ngang sa
Batangas lamang matitikman tulad ng “maniputo” ang mahal na isda na
nagkakahalagang 500 kada piraso sapagkat ito’y malaki, masarap, sariwa, at
tunay na sa Butong lamang nakukuha. Hindi ko naman malilimutan ang “tapang
Batangas” sapagkat di tulad ng tapa sa Maynila na para sa akin ay matamis-tamis
doon ay malinamnam kaya siguro ay nakatatlong plato agad ako sa araw na iyon
dahil sa sarap nito. Matapos ang tanghalian ay hinandugan naman nila kami ng
kakaibang kakanin. Ang hindi ko malilimutang kakanin dun ay ang “tamales” kung
saan hindi tulad ng kakanin sa Maynila iyon ay may itlog na pula sa loob. May
karne pa ata iyon kung hindi ako nagkakamali.
Unang araw pa lamang naming doon ngunit hindi ko agad
malilimutan ang kanilang magiliw na pagtanggap sa amin. Matapos nito ay
nagpasya na kaming pumunta sa bahay ng mangingisda kung saan ay
makikipagpanayam kami. Si Ate Merly ay tunay na matulungin tinulungan niya kami
puntahan at pinakilala niya kami sa mga mangingisda at pamilya nito. Inalok
muli nila kami ng pagkain ngunit kami ay nakakain na kaya ay tumanggi na lamang
kami ito ay naintindihan naman nila.
Sa ikalawang araw ay sasama kami sa paglaot ng mga
mangingisda Baybayan Lake ba iyon kung hindi ako nagkakamali. Ito ang kalapit
na tubigan sa Butong. Halos hindi ako makahinga ng kami ni Ara ay sumakay na sa
Bangka ni Mang Rogelio. Wala kaming ibang sandata kung sakaling malunod kundi
ang panalangin. Hindi ganoon kapamahiin si Mang Rogelio ngunit wala rin daw
siyang panahon magsimba. Nakakatuwang isipin ang kanilang mga pamahiin na
nikuwento niya sa amin habang kami ay na sa laot. Ayon sa kaniya ang turo ng
mga matatanda huwag daw lalaot ng may baong itlog sapagkat ikaw ay maaring
umuwing “bokya” sa paghuli ng isda. Kapag bagong bili lang daw ng iyong Bangka ay
buhusan daw ito ng lugaw para ay swertehin at madulas sa tubig. Kapag ikaw daw
ay hindi nakilala ng iyong kasama bago lumaot ay huwag ka ng tumuloy sa paglaot
sapagkat ikaw ay maaring madisgrasya. Huwag ka na rin daw tumuloy kung nagbilin
ang sino man sa iyong pamilya tulad ng pambili ng kung ano-ano sapagkat ay wala
kang mahuhuli. Tinatawanan lamang lahat ito ni Mang Rogelio ngunit hindi niya
kinakaila na ginagawa niya ito sa paggalang na lamang sa matatanda. Ngunit
hindi pa rin daw siya naniniwala rito sapagkat mas malakas ang kapangyarihan ng
dasal ayon sa kanya. Nagkahiwalay-hiwalay kaming mga magkakaklase sa paglaot at
hindi maganda ang huli ng araw na iyon dahil halos lahat ng sinamahan naming
mangingisda ay walang halos huli.
Sa ikatlong araw ay maaga kami gumising upang pumunta at
makitungo sa pamilya ng mga mangingisda. Hindi man sila sang-ayon ay tumulong
pa rin kami sa kanilang gawaing bahay. Tunay na hindi maalis sa kanila ang
masugid nilang pagtanggap sa mga bisita. Nais naming tumanggi sa kanilang alok
na pagkain ngunit kami ay hinandugan pa rin nila ng pagkain para sa tanghalian.
Doon lamang namin natikman ang lutong Batangas kay sarap ng kanilang mungo,
sariwang dalagang bukid, at isda na tanging sa taal lamang mahuhuli. Tunay
akong humanga sa kanilang pagtutulungan upang paghandaan kami ng pagkain.
Laking gulat ko ng may mga nasa lima ng tao ang nagluluto sa bahay ni Ate
Liberty kung saan siya lamang ang nakatira at ang kanyang tatlong kapatid na
lalakeng puro mangingisda.
Matapos ang tanghalian ay nakipagkwentuhan kami sa
kanila. Tulad ng hindi inaasahan ay dumami rin ang matatandang aming
kakwentuhan nagsimula ito sa dalawang matatanda na aming kakwentuhan hanggang
sila ay nagging anim. Lahat sila ay puro mga asawa ng mga mangingisda.
Naikwento nila sa amin ang kanilang mga paniniwala. Ayon sa kanila noong
pumuntok daw ang bulkan Taal ay halos lumubog ang Butong sa lakas ng hagupit ng
dagat at walang tigil na pagulan ng putik sa kanilang bayan. Ngunit tumigil ito
ng nakita nila sa kalangitan ang Mahal na Birhen at ang kanilang patron na si
San Pedro. Lahat ay napatingin dito at naluha. Hindi lamang daw dun nagkahimala
sa Butong. Ng nagkakagulo ang mga tao sa laki ng mga alon ay huminahon ito ng
dumaan ang isang lalakeng nakapula na nakasakay sa kabayo. Ayon sa kanila ito
raw si San Martin isa sa kanilang patron at tagabantay nila. Hindi masusukat
ang tindi ng pananampalataya ng mga taga-Butong. Ayon sa kanila matindi at
tapat sa kanila ang kanilang patron na si San Martin sapagkat sa ibang bayan ng
Butong ay patuloy ang trahedya. Kaya naman ay tuwing pista ay pinagdidiwang
nila ang mga ito. Tunay na napatotoo ang kanilang sinabi ng ako mismo ay
nakaramdam ng milagro ng kami ay lumaot noon. Walang telebisyon o radio na
kaming papakinggan ng nasa laot kami kaya hindi namin alam kung magiging ligtas
ba ang aming paglaot. Ngunit ng matapos ang aming paglaot ay napagalaman namin
na signal no. 1 pala noon sa Batangas at delikadong lumaot. Dahil sa kanilang
matinding pananalig ay hindi namin ito naramdaman.
Patapos na ang pananaliksik sa mga mangingisda ng Butong
ngunit hindi na namin pinalagpas ang pagkakataon puntahan ang kanilang parokya
na ayon sa kanila ay nasa pangangalaga ni Fr. Suarez doon namin nakita ang mga
imahen ng mga santo na kanilang kinukwento. Ngunit agaw pansin sa akin ang
isang maliit na birhen doon. Tinanong ko ito sa tito ng aking kasama sa
pag-aaral. Ayon sa kanya iyon ang sikat na Birheng Caysasay. Ito raw ay nabingguit
ng isang mangingisdang Intsik matagal na panahon na. Maraming milagro na rin
itong nagawa sa kanilang bayan tulad ng pagiba ng direksyon ng hangin upang
maiwasan ng bayan ang malakas na hagupit ng tubig. Nakita na rin daw itong
nagliliwanag ng gumagawa ng himala.
Tunay
na malalim ang pananampalataya ng mga
taga- Butong Taal Batangas. Bukod sa kanilang masugid na pagtanggap,
pagtititwala, kakaibang lakas ng loob, pagpapakumbaba, pagkamatulungin, ay
tunay na kayamanan nila ang kanilang pananalig sa Poong Maykapal. May iba’t iba
man silang pamahiin ngunit mas umiiral sa kanila ang tiwala sa Diyos. Hinding
hindi ko makakalimutan ang pananaliksik na ito sapagkat dito lamang ako
nakakilala ng mga taong ganito.
Me wearing light violet:)
No comments:
Post a Comment